December 3, 2021

Hindi kulay ang dapat manaig sa halalan

https://tonite.abante.com.ph/hindi-kulay-ang-dapat-manaig-sa-halalan/

May mga kandidato ngayon na mas piniling tumakbong independent para sa 2022 elections. Ito’y hindi dahil sa kawalan ng partidong magdadala sa kanila kundi dahil mas pinili nilang maging independent.

Sa tinatakbo ngayon ng politika sa bansa, tingin din naming ay mas mabuti ang maging independent kaysa may lilinyahang partido politikal. Parang wala na rin kasing silbi ang magkaroon ng partido kung tila ng mga paru-parong palipat-lipat lamang naman ng dinadapuan ang ilang politiko. May mga kilalang magkakaaway at magkakabangga ng ideyolohiya at paniniwala pero matuk mo ay magkakampi na ngayon. Biglang nagiging friends ang mga dating magkakakaaway at nagiging frenemies naman ang mga dating beso-beso friends.

Kung ganito ang nangingibabaw sa political landscape natin, mas maganda na rin sigurong walang partidong kinaaaniban para magdidikta kung ano ang dapat maging paninindigan ng isang politiko. Tulad na lamang ni dating Speaker Alan Peter Cayetano na mas piniling tumakbong independent sa senatorial race. Ang desisyong maging independent ay “by choice” para kay Cayetano. Marami naman kasing partidong nag-aalok sa kanya at may dalawa pang presidential candidates na nangako kay Cayetano na muling iluluklok bilang House Speaker kung tatakbo siyang kongresista sa ilalim ng kanilang bandera.

Malinaw naman na kung muling tatakbong kongresista si Cayetano ay walang hirap na makukuha niyang muli ang boto ng kanyang mga constituents at kung kakampi siya sa alinman sa dalawang presidential candidates na kumumbinsi sa kanya ay madali nga niyang makukuhang muli ang pagiging House Speaker.

Nanaig kay Cayetano na muling bumalik sa Senado. Aniya, mas gusto niyang maging senador uli para ipagpatuloy ang kanyang pagiging fiscalizer at mas makatulong sa pag-ahon ng bansa sa pahirap na idinulot ng pandemyang COVID-19.

SM food to go Banner Ad

Tinalikuran din ni Cayetano ang panawagan ng iba’t ibang religious at sectoral groups na tumakbo siya bilang pangulo. Napakadaming tumatakbo ngayong presidentiable: sina Vice President Leni Robredo, dating senador Bongbong Marcos, Sen. Panfilo Lacson, Sen. Manny Pacquiao, Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagaso, Sen. Ronald “Bato” dela Rosa at hinihintay pa rin kung tatakbo o hindi si Davao City Mayor Sara Duterte sa pamamagitan ng substitution. Naniniwala si Cayetano na lalo itong nagdudulot ng pagkakawatak-watak ng bansa kaya nagdesisyon siyang huwag nang makisali sa presidential race. Oo nga naman dahil kapag nakapaghalal tayo ng bagong presidente, malinaw na isa itong “minority president” na hindi suportado ng mayorya ng mga botante.

Sa dami rin ng tumatakbong presidentiable, wala pang sinusuportahan si Cayetano. Gusto nyang makita muna ang kilos ng mga partido politikal at kung ano ang ihahain nilang mga programa sa taumbayan para makita kung sino ang makakatulong sa kasalukuyang sitwasyon ng ating bansa.

Ayon pa kay Cayetano, tatlong bagay ang tinitignan niya sa paghahanap ng susuportahang presidential at vice-presidential bet: ang values ng bawat isa lalo na ang may matapang na paninindigan laban sa e-sabong, ang kasagutan ng mga ito sa kanyang five year economic development plan at kung ano ang kanilang tatahaking landas kapag iniharap sa kanila ang pagbibigay ng P10K ayuda sa mga iginupo ng pandemya.

Hindi nakakalimutan ni Cayetano ang kanyang isinusulong na P10K Ayuda Bill at aniya kung papalarin muling mahalal na senador, ihahain niya ito sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso dahil sa paniniwalang kailangan ito ng taumbayan para mas madaling makaahon sa pahihirap na dulot ng pandemya.

Sa darating na halalan, naniniwala rin kaming hindi dapat manaig ang kulay. Sa halip dapat manaig ang paghahanap natin ng lider na may tunay na malasakit sa taumbayan at sa bayan. Hanapin natin ang mga taong may matibay na paninindigan, kaya tayong ipaglaban, at magbibigay sa atin ng totoong tulong at ayuda na higit nating kailangan ngayong inilugmok tayo ng pandemya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *